Encounter sa Wakwak
Lovely Shane Bruce
Grade 12 - Sartre
Marami nang beses na nakakita ng wak-wak ang Inay sa kanilang lugar nung kabataan pa niya. Noong Isang gabi daw, bandang alas-10, gising pa siya kasi hindi siya makatulog. Mainit ang paligid kahit malakas ang hangin. Napatingin siya sa labas at napansin niyang may malaking ibon na nakadapo sa puno ng rambutan. Lumabas siya para uminom ng tubig, tapos bigla iyong lumipad. Hindi niya na pinansin kasi alam niyang wak-wak iyon.
Pagbalik niya sa higaan, biglang may malakas na kalabog sa likod ng bahay. Nagulat siya at ginising niya si Mila. Akala niya si Mila ang sumipa sa dingding, pero hindi pala. Naalala niya bigla yung ibon kanina. Lumabas siya ulit para tingnan kung may nahulog, pero kalabaw lang ang nandoon. Inilawan niya pa ito pero wala talagang ibang hayop. Pagpasok niya ulit, doon niya narinig ang kakaibang boses parang boses ng wak-wak na paulit-ulit.
Isang gabi naman, pauwi siya galing kina Kuya Cris at Ate Marites. Paglapit niya sa puno ng rambutan sa kalsada, narinig na niya agad ang boses ng wak-wak. Napansin niyang nakatingala ang mga aso sa puno, kaya tinawag niya sila. Tatlong aso ang lumapit sa kanya may nasa harap, gilid, at likod niya parang binabantayan siya. Kinilabutan siya nang makita niyang may malaking nilalang na nakadapo sa puno. Pagdaan niya, parang sinamahan siya ng mga aso hanggang bahay. Pagbalik ng mga aso, pinag-tatahulan nila ang puno at gumagalaw pa ang mga sanga. Lalo pang lumakas ang boses ng wak-wak.
Sa dami ng beses niyang naranasan ito, nasanay na rin siya. Kapag may naririnig siyang kakaibang boses o pagaspas, hindi na siya natatakot gaya dati. Hindi naman daw sila nananakit basta hindi ginagalit.
May isa pang gabi, nakatambay daw sila ng mga kaibigan niya sa poso malapit sa CR. Narinig nila ulit ang wak-wak sa rambutan. Inilawan nila ng flashlight at akala nila manok lang. Tawa sila ng tawa, pero biglang may kumalabog sa bubong ng CR. Tahimik silang naglakad palayo, pero biglang may malakas na pagaspas ng pakpak. Nagkatinginan silang lahat, sabay takbo naiwan pa niya ang tsinelas niy. Pagbalik nila, wala na ang manok na nakita nila.
May pagkakataon ding bumisita sila sa bahay ng lolo at lola niya. Bawal daw silang gumala pero lumabas pa rin sila ng mga pinsan niya. Habang naglalakad, napansin niya ang isang matandang babae na nakatitig sa kanya. Sinabi niya ito sa pinsan niya at nagmadali silang umuwi. Nagalit sa kanila ang Lola nila kasi kilala daw ng Lola niya ang matanda at wak-wak daw iyon. Sinabi pa ng Lola nila na darating ito ng alas-6 ng gabi at siya lang ang makakakita. Nang dumating nga ang matanda at hinanap yung Lolo nila, bigla naman itong nawala nang lingunin niya.
Isang araw naman, nagyaya ang mga pinsan niyang manghuli ng palaka. Lima silang naglakad sa palayan. Habang nag-iilaw sila, napansin nila na parang may mga wak-wak na nakadapo sa paligid. Gumagalaw ang mga halaman kahit walang hangin. Sabi pa ng pinsan niya, ang Inay raw ang gusto kasi siya ang bagong salta. Lumakas ang pagaspas at parang papalapit kaya nagtakbuhan silang lahat pauwi. Pagdating nila sa bahay, napagalitan sila ng Lola nila dahil alam niyang inasar nila ang mga wak-wak.
-
Ang Multo sa Simbahan at Paaralan
Noong una, puro kwento lang ng matatanda ang tungkol sa multo sa simbahan sa kanilang barangay. Marami ang hindi naniniwala, kabilang na siya. Para sa kanya, imposible namang magkaroon ng multo sa isang banal na lugar.
Isang gabi, habang tahimik ang paligid, napansin niya ang isang lalaking nakatayo sa gilid ng simbahan. Noong una, hindi niya ito pinansin. Ngunit makalipas ang ilang araw, may mga kaibigan siyang nagsabing may nakita rin silang babaeng nakatayo roon. Simula noon, naniwala na siya na may kakaibang presensya sa simbahan.
Isang beses, inutusan siyang buksan ang ilaw ng simbahan. Habang ginagawa niya ito, muli niyang nakita ang lalaking nakatayo sa gilid. Agad siyang nag-ilaw, at nang tumingin siya ulit, bigla itong nawala. Kasabay nito, naramdaman niya ang malamig na simoy ng hangin parang may ibang taong nakatabi.
May pagkakataon ding kumuha siya ng gamit para sa pagpipintura sa simbahan, ngunit umatras siya nang makita ang babaeng nakaputing bestida ang parehong nilalang na madalas daw makita ng iba.
Isang gabi ng Holy Week, pauwi sila mula sa misa bandang alas-dose ng gabi. Madilim ang daan at napapalibutan ng mga puno. Biglang sinabi ng isa niyang kasama na may lalaking tumawid sa unahan. Sinabihan niya ang lahat na huwag lilingon at huwag bubuksan ang ilaw sa likod. Ngunit isang kaibigan niya ang nagbiro at tumingin doon nila muling nakita ang lalaking nakatayo sa gilid, nakatingin sa kanila. Naramdaman ng kaibigang iyon ang malamig na hangin at tila may nakasunod sa kanya. Hindi nila ito ipinagsabi agad dahil may mga babaeng kasama.
Hanggang ngayon, sinasabi ng mga tao na hindi pa rin umaalis ang presensya ng mga multo sa simbahan.
Maging sa paaralan, may mga kakaibang pangyayari rin. Noong siya ay senior high school, habang gumagawa ng dekorasyon sa SHS building, may batang tumakbo sa gilid ng mesa. Nang tanungin niya ang mga guro, sinabi nilang wala namang bata roon. Ngunit halata daw sa mga mukha ng ilang guro na alam nila ang totoo. Kalaunan, inamin ng isa sa mga teacher na may dalawang batang multo sa gusali.
Madalas daw nagpaparamdam ang mga ito sa mga estudyante, kaya may mga natatakot at napapaiyak. Dahil dito, natutunan nilang huwag na lang pansinin ang mga kakaibang bagay na nakikita o naririnig nila.
Comments
Post a Comment